30 istasyon ng radyo sa Davao, inirekomendang ipasara ng NTC

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 11:20 PM

Nasa 30 istasyon ng radyo sa rehiyon ng Davao ang inirekomendang ipasara ng National Telecommunications Commission-Region XI dahil sa ilan umanong paglabag.

Ayon kay NTC Regional Director Nelson Canete, 30 istasyon ang kanilang inirekomenda sa NTC head office na patawan ng cease and desist order matapos makitaan ng mga paglabag sa legalidad sa pag-operate at sa mga teknikal na aspeto ng operasyon.

Sa 30 local radio stations na ito, 10 ang mula sa Davao del Sur, 5 sa Davao del Norte at 15 sa Davao Oriental at Compostela Valley.

Nauna nang ipinasara ng NTC XI ang apat na local radio stations sa Digos City, Bansalan sa Davao del Sur at Lupon sa Davao Oriental.

Suportado naman ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas-Davao Chapter ang hakbang na ito ng NTC XI.

Sa second quarter nitong taon nakatakdang magsagawa ng inspeksiyon ang NTC XI sa mga istasyon ng radyo sa Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.