2 preso, nakatakas sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 03:20 AM

Sangkot sa carnapping at ilegal na droga ang mga nakatakas na preso. Mga larawan mula sa BJMP

Nakapuga ang dalawang preso sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center nitong Linggo.

Kinilala sila na sina Andy Evangelista na sangkot sa kasong carnapping at Oting Mando na may kaso sa pagtutulak umano ng ilegal na droga.

Ayon kay Jail Warden Juan Lanzaderas, sinira umano ng dalawa ang padlock ng kanilang selda at gumamit ng kumot para makababa sa matarik na pader ng piitan.

Nagsimulang maghanap ang otoridad sa dalawang pugante sa Sultan Kudarat at Maguindanao kung saan inaasahan itong uuwi sa kani-kanilang mga pamilya.

Noong Enero 2016, tumakas din ang isang preso nang maospital sa South Cotabato Provincial Hospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.