Bilang ng nasawi sa pagsabog ng LPG station, umabot na sa 7

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2017 11:48 AM

MANILA - Umakyat na sa pito ang bilang ng mga namatay sa naganap na pagsabog sa Omni Gas Corporation nitong nakaraang linggo sa lungsod ng Pasig.

"Unfortunately, this morning, may natanggap kaming information na mayroon nadagdag na dalawa," sabi ni Senior Superintendent Wilberto Neil Kwan Tiu, regional director ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng National Capital Region.

Nakumpirma rin ang impormasyon ng Pasig City-BFP.

Ayon kay Chief Inspector Anthony Arroyo, kasalukuyan nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawi.

Anim pa sa may 21 biktima ng pagsabog ang nagtamo ng tinatayang nasa 80-porsyento ng pinsala sa kanilang mga katawan.

Samantala, nasa pagamutan pa ang iba pang mga biktima.

Ayon kay Tiu, patuloy pa rin silang nagsasagawa ng follow-up investigation hinggil sa insidente.

"Kapag nakita po natin na mayroong sapat na ebidensiya 'yung pangyayaring explosion at sunog doon po lugar na iyun ay magpa-file po ng reklamo ang Bureau of Fire Protection," sabi ni Tiu.

Pero dagdag niya, wala pang nagdedemanda at titingnan pa rin nila kung may kapabayaan ang Omni Gas Corporation sa pagtagas ng LPG.

Inamin naman ni Arroyo na nahihirapan silang mangalap ng impormasyon mula sa mga may alam sa insidente dahil nasa ospital pa ang karamihan sa mga ito.

Hinihintay din nila ang resulta ng laboratory test tulad ng electrical analysis at iba pa.

Idinagdag naman ni Tiu na isasama nila sa kanilang rekomendasyon ang pag-alis ng refilling station sa lugar.

"Kapag natapos ang ating imbestigasyon, isa po sa magiging rekomendasyon namin ay talagang itigil na 'yung operations diyan at kung maaari, ilipat sila sa ibang lugar kasi hindi natin alam kung kailan mauulit ulit... maaaring mangyari muli ang explosion," paliwanag ni Tiu.

Samantala, iniutos din ni Tiu ang pag-inspeksiyon sa mga lugar na may katulad na pasilidad ng Omni Gas sa buong Maynila.

"Yan po ang laman ng aking directive ngayong sa lahat ng marshals natin sa entire Metro Manila, 17 local government units, na titingnan nila kung may kapareha, titingnan nila 'yung lugar kung naayon sa zoning ordinance, ito ba ay hindi sa matataong lugar?"

Sakaling mayroon, kinakailangang mag sumite ng report ng kanilang iiendorso sa kinauukulan at matingnan kung ito ba ay dapat talaga sa lugar na iyun. With Alex Calda, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.