Mga deboto dumagsa sa pista ni Sto. Niño sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2022 02:22 AM | Updated as of Jan 16 2022 02:23 AM

deboto dumagsa
Vilma Andales, ABS-CBN News

Nagsipagdagsaan sa mga lansangan ng mga ruta ng prusisyon ng pilgrim image ng Senyor Santo Niño de Cebu ang mga deboto upang maghintay sa pagdaan ng imahen.

Ipinagdiriwang ngayon ang ika-457 na taong kafiestahan ng Senyor Santo Niño de Cebu, ngunit dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sanhi ng omicron variant, isinagawa na lang ang isang mobile procession ng banal na imahen.

Mula Cebu City, dumaan ang pilgrim image sa mga siyudad ng Talisay, Mandaue, Lapu-lapu at sa bayan ng Cordova, Cebu.

Sa bayan ng Cordova, matiyagang hinintay ng mga deboto ang pagdaan ng pilgrim image sa kahit madilim dahil hindi pa rin kumpletong naibalik ang suplay ng kuryente isang buwan na matapos ang bagyong Odette.

Subalit nagbigay ilaw naman ang liwanag ng buwan at ang mga kandila na sinindihan. May iilan ding lugar sa highway na nailawan matapos maitayo muli ang mga poste na pinabagsak ng bagyo.

Ayon sa ilang mga deboto ipinapasalamat pa rin nila sa Santo Niño ang kanilang kaligtasan kahit nasira ng kanilang mga bahay.

Mula sa bayan ng Cordova ay dinaanan ng mobile procession ang Santo Niño Bridge, ang pangatlong tulay na nagdudugtong sa bayan ng Cordova at Cebu City pag-uwi ng pilgrim image pabalik sa Basilica Minore del Santo Niño sa Cebu City. - Vilma Andales