PatrolPH

Mahigit 150 pamilya mula sa 2 bayan sa Davao de Oro, inilikas dahil sa pagbaha

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2022 07:48 PM

Inilikas ng mga lokal na pamahalaan ang ilang residenteng apektado ng pagbaha Linggo ng umaga sa ilang lugar sa bayan ng Mawab at Nabunturan sa Davao de Oro.

Dahil sa patuloy na pag-ulan at pagtaas sa lebel ng tubig baha, isinagawa ang pre-emptive evacuation sa Barangay Basak at Bukal sa Nabunturan.

Bukod sa mga binahang lugar, pinalikas din ang mga residente na nakatira sa mga flood at landslide-prone area.

Base sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), aabot 166 na pamilya mula sa 5 barangay sa Nabunturan ang inilikas.

Ayon rin sa lokal na pamahalaan, dinalhan na ng relief goods at pagkain ang mga evacuees.

Sa bayan ng Mawab, isinagawa rin ang preemptive evacuation sa ilang barangay doon dahil sa baha.

Nagkaroon din ng landslide sa bahagi ng highway sa Kilometer 70, Barangay Tuboran, Mawab.

Ayon sa PAGASA, nagdala ng mga pag-ulan ang shear line na nakaapekto sa silangang bahagi ng Mindanao.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.