PatrolPH

2 senior citizen na miyembro ng Anakpawis, patay sa pamamaril sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2022 04:26 PM | Updated as of Jan 16 2022 06:10 PM

Patay ang dalawang senior citizen na miyembro ng Anakpawis Sorsogon matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Barangay San Vicente sa bayan ng Barcelona sa Sorsogon Sabado ng umaga.

Nagmamaneho ng tricycle ang 70 anyos na si Silvestre Fortades Jr., habang sakay naman niya ang kinakasamang si Rose Maria Galias, 68 anyos.

Ayon sa pulisya, nangyari ang pamamaril nang huminto sa isang sari-sari store ang tricycle at lumabas ang babaeng biktima. Dalawang hindi pa nakikilalang salarin ang nasa likod ng pamamaril.

Nasa Barangay San Vicente umano ang mga biktima para magdeliver ng mga panindang rekado. 

Nakuha sa crime scene ang 13 basyo ng kalibre 45. 

Kinilala ng Anakpawis Sorsogon ang dalawang biktima sa isang pahayag na kanilang inilabas. Anila, parehong nagtitinda lamang ng mga bawang, sibuyas at iba pang sangkap sa pagluluto ang dalawang biktima nang mangyari ang pamamaril.

Mariing kinukundena ng Karapatan Bikol, Bayan Bikol, Defend Bicol ang pagpaslang sa dalawa na pareho ring miyembro ng Samahan ng Magsasaka local chapter ng KMP Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

- ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.