Mga fiesta mass sa Tondo at Pandacan, mas kaunti sa gitna ng pandemya

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2021 05:14 AM

MAYNILA - Dahil sa COVID-19 pandemic, inanunsyo ng mga pari ng Sto. Niño de Tondo at Sto. Niño de Pandacan Parishes sa Maynila na hindi na ganoon kadami ang mga misa ngayong weekend para hindi na rin pumunta ang mas maraming tao.

Kailangan rin anila ng oras ng disinfection pagkatapos ng misa kaya hindi na oras-oras ang misa gaya dati.

Ayon kay Fr. Estelito Villegas ng Tondo Church, dati 33 misa ang ipinagdiriwang sa Sabado at Linggo tuwing piesta, pero ngayong weekend, 11 misa na lang -- 3 sa Sabado at 8 sa Linggo.

Nasa 300 lang din ang pwedeng pumasok sa loob ng simbahan, pero pwedeng tumayo sa labas ng simbahan at naglagay ang simbahan ng halos 3,000 na markers sa labas.

Ayon naman kay Fr. Gilbert Kabigting ng Pandacan Church, dahil nasunog ang simbahan nila noong Hulyo, nagmimisa na lang sila sa isang temporary covered court kaya mas kaunti ang kapisidad nila ngayon.

Nasa 150 lang ang pwedeng pumasok sa loob. Mula sa 15 misa noon, ngayon nasa 9 hanggang 10 na lang.

Maraming kalsada naman ang isasara sa Linggo partikular sa mga daan malapit sa simbahan ng Tondo at Pandacan.

Kabilang dito ang bahagi ng Nolasco Street, Zamora, Chacon, MorgaatSta Maria sa Tondo. At sa Pandacan, sarado rin ang bahagi ng Jesus St., Palumpong. San Luis, Labores, Industria at Narciso Street.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.