PatrolPH

Daan-daang residente binaha matapos umapaw ang ilog sa Davao

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2021 06:20 AM

DAVAO CITY -- Binaha ang maraming residente na nakatira malapit sa Davao river matapos umapaw ang ilog simula Biyernes ng hapon.

Sanhi ito ng malakas na pag-ulan sa upland area ng Davao river bunsod localized thunderstorms at easterlies na nakaapekto sa Davao City.

Sa mga videos ng netizen, makikitang nagsimulang rumagasa ang Davao river sa Barangay Tamugan at Calinan district, na rumesulta sa pagbaha sa mga bahay malapit sa ilog.

Gumuho rin ang lupa sa gilid ng kalsada sa Sitio Acasia sa Barangay Tamugan na makikita sa video ni Domieboy Gahoc, kung saan isang bahay ang napinsala.

Watch more on iWantTFC

Bago binaha ang ilan pang lugar, nagkaroon na ng preemptive evacuation sa mga barangay na madadaanan ng Davao river.

Sa inisyal na tala ng city government of Davao, aabot sa mahigit 300 pamilya ang inilikas sa iba't ibang gym na nagsilbing evactiation center.

Pamilyang inilikas:

  • Brgy. Lacson - 2 pamilya at 7 indibidwal
  • Brgy. Gumalang - 2 pamilya
  • Brgy. Waan - 10 pamilya
  • Brgy. Ma-a - 29 pamilya at 25 indibidwal
  • Brgy. Mandug - 30 Families
  • Brgy. Tigatto - 300 indibidwal
  • Brgy. 2-A - 6 pamilya
  • Brgy. 8-A - 27 pamilya at 51 indibidwal
  • Brgy. Matina Crossing - Ilang pamilya ang inilikas

Bandang alas 10 ng gabi, unti-unting humupa ang baha sa ilang lugar at mayroong mga bumalik na sa kanilang tirahan.--Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.