2021 Panagbenga Festival sa Baguio, tuloy pero simple lang

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2021 04:33 PM

Tuloy sa Pebrero ang Panagbenga Flower Festival sa Baguio pero may mga pagbabago sa harap ng banta ng COVID-19. ABS-CBN News/File

Tuloy sa Pebrero ang Panagbenga Flower Festival sa Baguio City pero, ayon sa lokal na pamahalaan, asahan ang malaking pagbabago sa harap ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa isang public press briefing Sabado, sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na magiging "low key" o simple lang ang pagdiriwang para kontrolin ang bugso ng mga tao at tiyaking walang makapapasok na virus sa lungsod. 

"Kailangan namin kontrolin uli ang mobility, siguraduhin namin na walang basta-basta makakapasok sa Baguio dahil 'pag in-open mo ang Panagbenga, dadagsain uli kami ng mga bisita," ani Magalong, na tumatayo ring contact-tracing czar ng bansa. 

"Low key lang ‘yung celeberation. Hinatayin muna namin kung anong latest development dito sa UK variant," dagdag ng alkalde. 

Watch more in iWantTFC

Kinansela ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang Panagbenga at iba pang nakagawiang pagtitipon noong nakaraang taon dahil sa pagsisimula ng pagkalat ng COVID-19. 

Pinapayagan na ngayon ang turista sa Baguio basta may dalang kaukulang papeles at negatibong resulta ng COVID-19 test. -- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.