2 patay sa hiwalay na drug bust sa Davao City

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2021 04:28 PM


DAVAO CITY - Dalawang lalaki na kapwa target umano sa magkahiwalay na buy-bust operation ang napatay sa nasabing lungsod.

Unang nabaril ng mga operatiba ang 35 anyos na security guard na si Bewolf Son Marquez matapos umanong bumunot ng kaniyang armas nang malaman na pulis ang nakatransaksyon sa guard house ng Talomo Central Elementary School, Huwebes ng hapon.

Nakuha sa crime scene ang .38 kalibreng baril ni Marquez at mga pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P25,000.

Ayon sa pulisya, nakasuhan na rin si Marquez ng paglabag sa Republic Act 7610 noong Nobyembre 2020 matapos ireklamong nangmolestiya ng isang menor de edad na babae.

Samantala, napatay din sa drug bust Biyernes ng madaling araw ang 60 anyos na si Alfredo Tampus sa Nograles Street, Barangay 76-A.

Ayon sa San Pedro Police, nanlaban si Tampus matapos mapag-alamang mga pulis ang katransaksyon niya.

Narekober ng awtoridad ang .38 kalibreng revolver at hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10,000.