Sari-sari store sa Bacoor nabuking na drug den pala; P1-M droga nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 05:06 PM

BACOOR, Cavite — Anim ang arestado sa bayan na ito matapos silang makuhanan ng aabot sa P1-milyong halaga ng droga matapos mabuking na ibinebenta nila ito sa sari-sari store. 

Arestado sa pekeng tindahan ang live-in partners na sina Joey Evangelista at Irene Legaspi, na mayroong P250,000 halaga ng shabu. 

Ayon sa 2 suspek, bukod sa pagtutulak ay ginagawa rin daw nilang puwestuhan ang kanilang sari-sari store.

Naabutan din ng mga pulis sa tindahan ang 4 pang kasama ng mga suspek, kabilang ang nagbabagsak umano ng droga na si Bruno Montibon.

Nakuha sa kanila ang P750,000 halaga ng droga at isang baril.

"Maraming tindahan diyan. Basta 'yung nasa dead end area... Nagkaroon ng surveillance. Meron nga talagang tindahan na paiba-iba ang pumapasok, pero hindi naman bumibili," ani Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police. 

Inaalam na ng mga pulis kung sino-sino ang source ng droga at mga parokyano ng mga naarestong suspek.

Nahaharap sila sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.