Relief goods na may personal na mensahe, ipadadala sa Batangas

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 12:43 PM

Nilagyan ng mga personal na mensahe ng grupo ang bawat relief item na kanilang ipadadala sa mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.

NAGA CITY – Isang grupo ang nagsimula nang magbalot ng relief goods para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal sa Batangas.

Sa isang tanggapan sa Magsaysay sa Naga City, imbes na sariling produkto, mga mineral water, kahon ng mga noodles, at damit ang naipon ng mga sales person sa loob ng isang araw na relief drive.

Ayon kay Ladylaine Asico-Sol, tinawag nila ang kanilang relief drive na “Be a Tala for Taal," patungkol sa viral dance hit na "Tala" ni Sarah Geronimo. 

“’Hangga't nandoon tayo sa ganitong situation, hindi tayo titigil na tumulong,” sabi niya.

Para mas maging makahulugan ang kanilang padala, may maiikling mensahe na nakasulat sa makukulay na papel ang kanilang idinikit sa relief goods.

“Words are powerful. Kung makikita natin sa social media, color right now naging black and white [sa mga lugar na apektado]. Nilagay namin siya sa mga colored paper para dito pa lang 'pag nakita nila, nagbibigay na siya ng hope,” paliwanag ni Ron Gonzalvo.

Sa gitna naman ng pangangailangan sa face mask, dahil wala nang N95 masks sa lungsod ay magpapadala ang grupo ng mga reusable mask. 

“Mga washable face masks. Puwede na rin ‘di ba? Tapos puwede silang maglagay ng tissue sa loob o kaya damp na cloth para ‘di talaga nila ma-inhale 'yung volcanic ash kasi very dangerous sa health, especially sa lungs,” sabi naman ni Yen Realuyo.

Unang batch pa lang ito ng ipadadala sa Batangas. Bilang mga Bicolano na palagi ring nakararanas ng kalamidad, naiintindihan ng grupo ang pakiramdam ng mga pamilyang apektado ng pagputok ng bulkang Taal. Anila, ngayon ang panahon para tumulong bilang pasasalamat sa kabutihan na natanggap nila noon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.