Pagsabog ng Taal at Pinatubo paano naiiba?

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 05:27 PM | Updated as of Jan 16 2020 05:50 PM

Nabigla ang marami nang magsimulang bumuga ng abo ang bulkang Taal noong Linggo.

Sa loob nang 5 oras, mabilis na inangat ang Alert Level 2 sa Alert Level 4 dahil sa patuloy ng paglindol at pagsirit ng lava.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kapag nasa Alert Level 4, oras o araw na lang ang hinihintay bago ito umabot sa isang explosive eruption o Alert Level 5.

Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng Alert Level 5 o mas mapanganib na pagsabog at paano ito naiiba sa pagsabog ng Mount Pinatubo noong 1991?

Sa monitoring ng Phivolcs, may kaniya-kaniyang alert level ang iba't ibang aktibong bulkan sa bansa batay sa katangian ng mga ito.

Pagdating sa Alert Level 5, magkaiba rin ang inaasahang mangyayari.

Sa Pinatubo, Level 5 na kapag sumabog ang bulkan at umabot ang eruption column nang anim na kilometro ang taas.

Pero sa Taal, ang batayan ay kung magkakaroon ng pagsirit ng lava na sinabayan ng base surge o ang pahalang, at mabilis na pagbuga ng mainit na usok, abo at tunaw na bato.

Ang mga nakaraang pagsabog kasi ng Taal na naitala noong 1754 at iba pang taon ay may base surge na naranasan sa mga bayang malapit sa lawa.

"Sa Taal, 'yong mechanism ay iba, 'yong paglikha ng base surge," ani Mariton Bornas, volcano monitoring division chief ng Phivolcs.

Ayon kay Bornas, sobrang bilis ng base surge na ito at hindi na talaga maiiwasan o matatakbuhan. Bunsod nito, paulit-ulit ang pagpapaalala ng Phivolcs sa mga tao na huwag nang bumalik sa mga high-risk area sa paligid ng bulkang Taal.

-- Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.