P17M halaga ng ‘shabu’ nasabat sa Las Piñas; 2 timbog

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 07:46 AM

Arestado ang 2 lalaki sa isang buy-bust operation Miyerkules matapos makuha ang P17 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa loob ng isang subdivision sa Barangay Pamplona Tres, Las Piñas City.

Nakuha ng drug enforcement group ng Philippine National Police (PNP) at Las Piñas City Police ang 2.5 kilo ng hinihinalang shabu sa mga target na sina alyas Ikon at alyas Tanda.

Ayon sa report ng PNP Southern Police District, natagpuan ang droga na nakalagay sa 3 malalaking lalagyan na plastic na pinalibutan ng pambalot ng kendi.

Isinailalim na sa chemical analysis ang nasabat.

Dinala na rin sa Camp Crame ang mga suspek na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.-Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.