PatrolPH

Delivery boy patay sa mismong kaarawan matapos agawan ng motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 05:38 PM

MAYNILA — Patay ang isang motorcycle transport rider matapos barilin at agawan pa ng motorsiklo ng 2 hanggang 3 kawatan sa Quirino Highway, Caloocan City.

Ang pinakamasaklap pa, napaslang ang biktima sa mismong araw ng kaniyang birthday. 

Labis ang paghihinagpis ng pamilya ni John Paul Sargento, 25, na dating seaman pero suma-sideline din bilang delivery boy ng isang TNVS company, matapos ang trahedyang sinapit nito. 

Ayon sa mga opisyal ng Barangay 183 sa Caloocan na nagdala sa biktima sa ospital, posibleng sinundan ng mga salarin si Sargento mula sa pinanggalingan nitong restoran.

Ilang security guard din ang nakarinig sa putukan pero mabilis din daw nakatakas ang mga salarin. 

Hustisya naman ang hiling ng pamilya ng biktima. 

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Caloocan City police. 

"Binabalikan na natin mga CCTV at testigo para makatulong sa kaso.," ani Police Lt. Col. Ferdinand del Rosario, deputy chief ng Caloocan police. 


—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.