Bilang ng mga kaso ng polio sa Pilipinas umakyat sa 16: DOH

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 05:52 PM | Updated as of Jan 16 2020 06:02 PM

Umakyat na sa 16 ang bilang ng mga kaso ng polio sa bansa mula nang magdeklara ng outbreak noong Setyembre ng nakaraang taon, sabi ngayong Huwebes ng Department of Health (DOH).

Kabilang sa mga bagong kasong naitala ang pinakaunang pasyente ng polio sa Metro Manila, na isang 3 taong gulang na lalaki mula Quezon City.

Bukod sa bata sa Quezon City, kasama rin sa mga bagong kasong iniulat ng Research Institute for Tropical Medicine sa DOH ang 2 lalaki mula Mindanao na may mga edad 2 at 3, at isang 2 taong gulang na lalaki mula Sultan Kudarat.

Hinimok naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga magulang na pabakunahan laban sa polio ang kanilang mga anak, lalo iyong mga may edad 5 pababa.

Tumaas ang bilang ng mga kaso ng polio sa bansa sa kabila ng pinatinding kampanya ng gobyerno para bakunahan ang mga bata laban sa nasabing sakit.

Nagtakda ang DOH ng malawakang pagbabakuna kontra polio sa Mindanao mula Enero 20 hanggang Pebrero 2 at Metro Manila mula Enero 27 hanggang Pebrero 7.

Inatasan din ni Duque ang mga health facility na paigtingin ang kanilang pagbabantay sa acute flaccid paralysis, na nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng polio.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, kinumpirma ng DOH ang pagbabalik ng polio sa Pilipinas, 19 taon mula nang ideklara ng World Health Organization na "polio free" ang bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.