Barangay tanod sa Pasay, nahuli sa pagbebenta ng shabu

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 07:53 AM

PASAY - Timbog ang 59 anyos na barangay tanod na si Quirino Magbanua na tulak umano ng droga matapos mahulihan ng hinihinalang shabu Miyerkoles ng gabi sa Barangay 45, Pasay City.

Nakuha sa coin purse ni Magbanua ang ibang mga sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa halagang P40,000. 

Arestado rin ang 18 anyos na lalaki matapos tumakbo at mahulihan ng isang sachet ng hinihinalang shabu bago ituro ang suspek na tanod. Depensa ng batang suspek, binili niya lamang ito umano sa halagang P200 para sa kanyang kaibigan. 

Ayon kay Magbanua, kinakailangan niya umano ng pera kaya nagbenta siya ng shabu. 

Ayon kay Police Capt. Deni Mari Pedrozo ng drug enforcement unit ng Pasay Police Station, nagsagawa sila ng surveillance sa area dahil sa mga natanggap nilang sumbong ng mga gawaing kriminal sa lugar.

Tatanggalin na ng barangay sa serbisyo si Magbanua sa katapusan ng Enero matapos magpositibo sa drug testing nitong buwan. 
    
Nagpositibo rin ang tanod sa isa pang drug test noong 2019 pero binigyan pa ng pagkakataon ng barangay para magbagong buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.