MAYNILA - Anim ang patay habang anim din ang sugatan matapos sumiklab ang sunog Huwebes ng madaling araw sa Yuseco Street, Tondo, Maynila, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Kinilala ang mga biktimang sina Jean Paul Esguerra, na isang person with disability, Jack Habana, 44, Odessa Conde, 36, at tatlo nitong anak na may edad 8, 6, at 10.
“Allegedly 'yung tatay paglabas niya gina-guide na niya pamilya niya eh. Probably na-block siguro sila ng makapal na usok kaya naiwan 'yung apat," ani Fire Insp. John Joseph Jalique, hepe ng Manila Fire District intelligence and investigation.
Tinatayang 40 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Aabot naman sa P100,000 ang halaga ng pinsala.
Dakong alas-3 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa bahay ni Evangeline Lutero.
Mabilis na inakyat sa ika-3 alarm ang sunog bago ideklarang under control ang sunog makalipas ang isang oras.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.
-- May ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.