Suspek sa serye ng pagnanakaw, patay sa police operation

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 10:46 AM

Pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives ang lugar kung saan nabaril ng awtoridad ang notadong magnanakaw sa Davao City. Larawan mula sa Talomo Police Station

DAVAO CITY – Patay ang isang 42-anyos na lalaking itinuturong suspek sa serye ng pagnanakaw sa mga delivery panel truck sa lungsod.

Natunton ang suspek na si Julius Buot sa isinagawang manhunt operation ng Joint Special Task Force Operative ng Davao City Police Office at Talomo Police Station sa harap ng Matina Biao Elementary School

Nanlaban pa umano ito sa mga operatiba pero nagawang makaganti ng awtoridad at nabaril ang suspek sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Naisugod pa siya sa pinakamalapit na pagamutan pero idineklara nang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, nakilala nila ang suspek sa bisa ng maigi at mahigpit na intelligence gathering sa pagkakakilanlan nito.

Narekober sa crime scene ang .45 caliber pistol, 9mm submachine gun, dalawang magazine at isang unit ng motor na ‘di umano’y ginagamit ng suspek sa tuwing gagawa ng iligal na gawain.

“Naniniwala kaming may inside job ito, kung kailan pumapasok at ilang pera ang nasa loob, with the help of that info alam nila kung saan nakatigil ang truck at doon nila gagawin ang hold-up," paliwanag ni Senior Superintendent Alexander Tagum.

Inaaalam pa ng awtoridad kung may iba pang kasamahan si Buot sa kaniyang ilegal na gawain.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.