'Shabu' isinisilid sa tetra pack sa QC; 3 arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 06:33 PM | Updated as of Jan 16 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang 12 sachet ng hinihinalang shabu ang nadiskubre ng mga awtoridad sa mga tetra pack ng juice nang arestuhin ang tatlong katao sa isang hinihinalang drug den sa Quezon City. 

Ayon sa hepe ng Quezon City Police District Station 6 na si Superintendent Joel Villanueva, sinalakay ang umano'y drug den Martes sa Barangay Payatas sa lungsod. 

Dagdag niya, tinago rin daw sa basurahan ang juice drink para hindi umano ito matunton ng mga awtoridad. 
 
"Akala siguro nila na kapag sa juice nakalagay eh hindi namin makikita. Mayroon kaming mga pamamaraan para ma-detect namin kung saan ang mga droga," ani Villanueva. 

Matagal na rin inirereklamo ang umano'y drug den dahil marami daw ang labas-pasok na tauhan dito, ayon pa sa hepe. 

Aminado ang isa sa mga suspek na si Rodolfo Aljesera na dati siyang gumagamit ng droga pero iginiit niyang hindi siya nagtutulak. 

"Iniwan lang po sa'kin ng kaibigan ko 'yung mga droga," aniya. 

Nahaharap sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o "Comprehensive Dangerous Drugs Act" ang mga suspek. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.