Motorcycles-for-hire tuloy ang biyahe dahil sa social media

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 08:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy na kumukuha ng mga pasahero ang ilang drayber ng motorcycles-for-hire sa kabila ng pagbabawal sa mga ito ng gobyerno. 

Kabilang dito ang dating Angkas rider na si Mark Anthony, na gaya ng kanyang mga kapwa rider ay gumagamit ng teknolohiya para makahanap ng pasahero matapos pagbawalan ang operasyon ng Angkas. 

"Sa text, Messenger, may mga grupo, sa FB (Facebook)... Maraming mga commuters na naghahanap ng mas mabilis na paraan para makapasok sa trabaho, makaiwas sa traffic kasi sobra na ang traffic sa Metro Manila," aniya. 

Nanawagan naman ang motorcycle rider na si alyas “Ryan” na payagan na ang operasyon ng mga motorcycle ride-sharing applications at iba pang motorcycles-for-hire. 

“Sana matulungan kami [na] maayos. Sa ngayon kasi kung saan-saan lang po kami namimik-ap (pick-up) ng mga pasahero,” aniya.

Nagkakaroon din daw ng agawan ng pasahero. 

Ito rin ang hirit ng ride-hailing app na Angkas sa huling pagdinig ng Kamara ukol sa pagpayag sa mga serbisyong inaalok ng tulad nilang mga ride-hailing app bago ito muling ipagbawal ng Korte Suprema noong Disyembre. 

"We really hope that we can push for this kasi po sa survey na kino-conduct po namin, madami po talagang habal-habal. In fact, 
Nasa FB po sila," ani George Royeca, Angkas head for Regulatory and Public Affairs. 

Para naman sa groupong "Komyut," bawal o hindi, tatangkilikin pa rin ng publiko ang mga motorcycle-for-hire apps dahil kulang umano ang pampublikong transportasyon sa bansa. 

"Iligal yan o legal, sasakay kami kasi kailangan talaga namin. 
'Yung theme song po namin araw-araw sa tuwing lumabas kami ng bahay ay 'buwis-buhay," ayon kay Rebecca Padilla, miyembro ng naturang grupo. 

Pagpayag sa motorcycles-for-hire ihinihirit

Naglipana na rin umano ang serbisyo ng mga habal-habal at iba pang underground riders sa Cebu kaya pabor si Cebu City Mayor Tomas Osmeña na payagang pumasada ang motorcycles-for-hire sa ilalim ng maayos na mga regulasyon. 

"The national government should be more responsive to what is happening. You cannot stop the habal-habal, you are just making criminals out of them," ani Osmeña. 

Naglabas na rin ng resolusyon ang House Committee on Metro Manila Development na nananawagan sa Department of Transportation (DOTR) na idaan muna sa department order ang pagpapahintulot dito habang hindi pa naaamyendahan ang Republic Act 4136 na nagbabawal sa paggamit ng motorsiklo sa pagpapasada. 

"If you did that with Grab and Uber, I think you can also grant that to motorcycles," ayon kay Rep. Winston Castelo, chairman ng komite. 

Magpupulong ngayong Biyernes ang technical working group ng DOTR para alam kung may legal na basehan para idaan muna sa department order ang pagre-regulate sa mga motorcycles-for-hire. 

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.