'Mga komunidad sa paligid ng Manila Bay, delikado sa sakit'

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 09:48 PM

Watch more in iWantTFC

Iba-ibang sakit ang maaaring makuha ng mga nakatira sa mga komunidad sa paligid ng Manila Bay, ayon sa isang eksperto. 

Paliwanag ni Dr. Rontgene Solante, trangkaso at iba pang sakit sa baga ang madalas sa mga karamdamang ito. 

"Informal settlers are the ones who can be vulnerable to the respiratory tract infections kasi they are in an area na wala silang permanent homes," ani Solante, chairman ng Adult Infectious Diseases & Tropical Medicine Department ng San Lazaro Hospital.

Hindi lang trangkaso ang puwedeng makuhang sakit lalo na sa mga maruruming lugar kung hindi pati vector-borne diseases gaya ng dengue at leptospirosis. 

Nariyan din umano ang banta ng E. coli at fecal coliform na maaaring magdulot ng impeksiyon. 

Isa sa mga nakararanas nito si Thelma Adora, na tatlong dekada nang nakatira sa Baseco compound. 

Umaalingasaw sa kanilang lugar ang masangsang na hangin, na dahilan ng pabalik-balik na ubo, sipon, lagnat, at sakit sa balat ng kaniyang mga apo.

Katunayan, pati anit ng kaniyang apo, nagsusugat na rin. 

"Minsan pag may pambili ng gamot ginagamot. Pero di kami nagpapa-check sa doktor eh. Natatakot kami sa doktor eh," ani Adora. 

Pero babala ni Solante, hindi dapat balewalain ang trangkaso lalo na kung may iba pang dinadaing na sakit. Maaari raw kasi itong magdulot ng mas malalang komplikasyon tulad ng pneumonia.

"Iyung may mga sakit sa puso, 'yung may preexisiting pulmonary conditions like COPD (chronic obstructive pulmonary disease), these are the potential individuals that if they get flu, it can be severe," ani Solante.

Aminado si Solante na bukod sa mababang kaalaman ng publiko sa flu vaccine, malaki ang epekto ng kontrobersiya ng Dengvaxia sa pagpapabakuna. 

Pero paliwanag ng eksperto, matagal nang subok ang flu vaccine at hindi dapat katakutan. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.