Lalaking nakapatay sa pinsan, timbog matapos ang halos 14 taon

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 04:48 PM | Updated as of Jan 16 2019 08:40 PM

Watch more in iWantTFC

Matapos ang halos 14 taon, naaresto na ang number 1 most wanted person ng Carmona, Cavite sa Bulacan, Miyerkoles.

Arestado ang 46 anyos na suspek na si Allan Robles sa San Jose Del Monte City sa Bulacan matapos mapag-alaman ng mga awtoridad na nagpapanggap siya bilang isang pintor sa naturang lungsod.

Nagpanggap ang mga pulis na naghahanap ng pintor at nang makipagkita ang suspek sa isang convenience store para mag-apply ay inihain na ng mga awtoridad ang isang warrant of arrest na nag-ugat sa isang kaso ng homicide.

Ayon sa mga imbestigador, gumagamit ng ibang pangalan ang suspek kaya nakakakuha ng mga clearance mula sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police at barangay na kadalasang requirement sa mga naga-apply ng trabaho.

Nagtago rin ang suspek sa Lian at Nasugbu, Batangas.

Taong 2005 nang mabaril umano ng suspek sa ulo ang kaniyang pinsan gamit ang sumpak sa Brgy. Bancal, Carmona, Cavite.

Giit ng suspek, hindi niya sinasadya ang pangyayari dahil ang talagang babarilin niya ay ang lalaking bumato sa kaniyang ulo.

Humingi siya ng tawad at nakiusap sa pamilya ng biktima na iurong na ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.