Dry run ng 'yellow lane' sa Elliptical Road di sinunod ng mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 09:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run ng paggamit ng mga yellow line sa kanto ng Elliptical Road at North Avenue sa Quezon City bilang tugon sa mabigat na daloy ng trapiko sa lugar. 

Dahil sa naturang linya, bawal lumabas ang mga sasakyan maliban kung tatawid ang mga ito sa mga broken lines. Layon nitong mabawasan ang trapiko at maiwasan ang aksidente sa naturang kalsada. 

Ngunit sa unang araw ng dry run ay marami umanong lumabag sa kanilang patakaran dahil palipat-lipat pa rin ng lane ang mga sasakyan at kaliwa't kanan ang pagsingit at pag-uunahan ng mga ito. 

Katuwiran ng ilang motorista na mahirap sundan ang yellow lane markings dahil paikot ang kalsada sa Elliptical Road. 

"Kahit anong ilagay nila diyang bagong traffic rule kapag 'di sinunod, wala talaga mangyayari," ayon sa motoristang si William Anthony Beltran. 

Bagama't ikinadismaya ng MMDA ang naging resulta sa unang araw ng dry run, nanindigan sila na dapat pa rin sundan ng mga motorista ang batas-trapiko. 

"Kapag solid yellow line which means no overtaking, stay in your lane iyon," aniya. 

Dagdag niya na posibleng maglagay sila ng concrete barrier, traffic cones, at mga traffic enforcer sa kada lane para mapasunod ang mga motorista. 

Dahil dry run pa lamang ito ay wala pang napaparusahan. Pero sa oras na aprubahan ito ay pagmumultahin ng P1,000 ang bawat lalabag dito. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.