Batang dinukot sa Laguna para 'ibenta', nasagip

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 05:00 AM | Updated as of Jan 16 2019 07:11 AM

Watch more in iWantTFC

LAGUNA - Nasagip ng mga awtoridad Martes ng umaga ang isang batang babae na dinukot umano ng isang lalaki sa Laguna.

Kuwento ng nanay ng biktima, nagpaalam Lunes ng tanghali ang 5 anyos na bata na lumabas para maglaro ng computer games.

"Sinundan ko po pero nang sundan ko hindi ko na mahanap," aniya.

Nag-alala ang pamilya kaya agad silang humingi ng tulong sa barangay at pulisya.

Nakuhanan ang insidente sa CCTV kung saan makikitang naglalakad ang suspek at ang biktima, kasama ang 2 pang bata.

Dahil sa CCTV footage, ipinagtanong ng mga pulis sa lugar ang lalaki at kung saan dinala ang mga bata.

Natagpuan ang biktima sa isang sementeryo sa bayan ng Siniloan. Nakatakas naman mula sa suspek ang 2 pang bata.

"Sinuntok daw po siya at sinakal. Masakit daw po leeg niya," dagdag ng nanay ng biktima.

Ayon kay SPO1 Geraldine Puguon ng Santa Cruz police, agad dinala ang biktima sa ospital para sa medical checkup.

"Sa imbestigasyon namin ay ibebenta. May balak 'yung suspek na ibenta ang bata sa isang tao," aniya.

Nahuli naman ng mga pulis ang suspek na kinasuhan na ng kidnapping.

Inamin niyang niyaya niya ang mga batang mamulot ng basura. Bibigyan umano niya ng pera kung maibenta nila ito. - ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.