Armas at eksplosibo nasamsam sa checkpoint, 5 tiklo

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 01:42 PM | Updated as of Jan 16 2019 01:43 PM

Nakuhanan ng mga baril at dalawang granada ang mga suspek, kabilang ang isang kagawad ng barangay matapos maharang sa isang checkpoint sa Davao City. Larawan mula sa Calinan Police Station

DAVAO CITY – Limang suspek kabilang ang isang opisyal ng barangay ang naaresto nang mahulihan ng mga armas at eksplosibo sa checkpoint sa Calinan dito sa siyudad, Martes ng umaga.
 
Nakilala ang mga suspek bilang sina Analiza Arquillano, isang barangay kagawad sa Magpet, North Cotabato, George Arquillano, Reynan Adame, Arnel Repollo at Renier Pedroso.

Nakita sa loob ng pinarang pickup truck ng mga suspek ang mga armas gaya ng kalibre .45, 9mm pistol, kalibre .30, M2 Carbine, 13 na magazine, mga bala at dalawang granada.

Sa imbestigasyon ng pulisya, plano raw nilang pumunta sa Davao International Airport dahil may susunduin sila o may ihahatid.

Ayon kay Senior Supt. Alexander Tagum, Director ng Davao City Police Office, napansin nila ang nakasakay sa likuran ng pickup na may dalang carbine, pero wala itong maipakitang authority to possess o kahit Commission on Elections (Comelec) exemption. 

Nag-umpisa nang ipatupad ng Comelec ang gun ban nitong buwan ng Enero dahil sa eleksyon sa Mayo. 

“Napag-alamang CAFGU [Civilian Armed Force Geographical Unit]. With that, nag-conduct tayo ng search, nakakita tayo ng granada, mga armas," sabi ni Tagum.

Sinubukan ng news team na kunan ng pahayag ang mga nahuli pero tumanggi silang magpa-interview.

Sabi ni Tagum, alam ng mga nahuli na nagsimula nang ipatupad ang Comelec gun ban pero ipinagpatuloy pa rin nila ang pagdala ng mga armas at eksplosibo.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at sa Comelec gun ban ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.