Amang naghamon ng away, binaril ng anak

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 05:33 AM

ISABELA - Sugatan ang isang tatay matapos barilin ng kaniyang anak sa Barangay Rizal, Cauayan City, Isabela Lunes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, lasing umanong dumating sa kanilang bahay si Melecio Andres, 48 anyos.

Hinamon umano niya ang anak na si Jayson, 26 anyos, na noon ay natutulog.

Nang hindi na makapagtimpi, lumabas ng kuwarto si Jayson bitbit ang baril at saka pinaputukan si Melecio.

Tinamaan ng bala sa kaliwang kamay ang biktima. Nakapagsumbong agad ito sa mga awtoridad.

Nahuli si Jayson sa follow-up operation at narekober ang ginamit niyang baril na napag-alamang hindi lisensiyado.

Mahaharap si Jason sa reklamong frustrated parricide at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.