3 dawit sa pekeng employment agency huli sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 06:27 PM | Updated as of Jan 16 2019 08:13 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto noong Martes ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong taong nagpapatakbo umano ng pekeng employment agency sa Quezon City. 

Estilo umano ng mga suspek na magpalabas ng patalastas sa Internet na nagsasabing naghahanap ng trabaho ang mga umano ay kliyente nilang isang bangko at money remittance center, ani Irvin Garcia, hepe ng NBI Anti-Fraud Division. 

"Nagpo-post sila ng parang advertisement sa Internet at nagsasabi sila na itong partikular na kompanya ay kasalukuyang nagha-hire ng mga aplikante para sa trabaho," sabi ni Garcia.

Dudulog ang mga aplikante sa tanggapan ng pekeng ahensiya at saka raw sila sisingilin para sa processing fee at medical fee gayong wala naman talagang trabahong inaalok.

"Itong mga aplikante, pumupunta sila rito for orientation. At the same time, naniningil ng processing fee, medical fee itong mga subject natin. Unfortunately, nalaman natin na hindi naman pala totoo," ani Garcia.

Nabisto ang modus ng mga suspek matapos dumulog sa NBI ang isa sa mga kompanyang ginagamit ng mga suspek na pang-engganyo ng mga aplikante. 

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong estafa at paglabag sa Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.