2 patay, 3 sugatan sa pananaga sa Zamboanga del Norte

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 12:31 AM

KATIPUNAN, Zamboanga del Norte—Ginagamot sa isang ospital ang mga biktima ng pananaga sa Barangay Dabiak sa bayang ito noong Sabado.

Kinilalang isang alagad ng simbahan ang suspek na bigla na lang pinagtataga ang ilan sa mga residente.

Unang inatake ng suspek ang 63 taong gulang na kasama niya sa simbahan na noo’y nakahiga na sana para matulog. Bigla na lamang itong pinagtataga ng suspek gamit ang dala nitong itak.

Nagtamo ng sugat sa kaniyang braso at tuhod ang nasabing biktima.

Pagkatapos nito ay agad na nagpunta sa mga kabahayan ang suspek kung saan napasok ang bahay ng biktimang si "Magda".

Ayon kay Magda, tila nagwawala ang suspek nang makapasok sa kanilang bahay. Agad pinagtataga nito ang kaniyang 19 taong gulang na anak at siyam na buwang apo. 

“Akala ko mamamatay na rin ako kasi tinamaan na rin ako,”ani Magda.

Sugatan sa kaniyang noo si Magda habang sa mukha naman ang sugat na natamo ng kanyang 9 na buwang apo. Namatay ang kaniyang anak.

Sa imbestigasyon, pinaniniwalaang wala na sa sariling pag-iisip ang suspek. Inakyat umano nito ang lahat ng bahay na madadaanan nito at pinagtataga ang lahat ng kaniyang nakikita. 

Napatay naman ng asawa ng biktimang si Magda ang suspek. 
Nahaharap siya ngayon nahaharap sa kasong homicide. Posible namang ma-dismiss ang kaso dahil umatras na sa pagsasampa ng kaso ang pamilya ng napatay na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.