VIRAL: Lalaki binuksan ang pinto ng bumibiyaheng tren ng PNR

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 07:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaghahahanap ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) ang pasaherong nag-viral sa social media matapos makuhanan na nagbukas ng pinto ng tren habang umaandar ito.

Sa video ni Daryl Alcantara, na umani ng higit 12,000 shares sa Facebook, nakuhanan ang isang lalaking puwersahang binuksan ang pinto at tila padungaw-dungaw pa sa labas ng bumibiyaheng tren noong Linggo, pasado alas-6 ng hapon. 

 

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Alcantara na unang beses niyang sumakay ng PNR kaya ipinagtaka niya nang tumambad sa kaniya ang bukas na pinto.

Nabatid ni Alcantara na kasama pala niya ang pasaherong responsable sa bukas na pinto at higit limang beses umano itong ginawa.

"Napansin ko iyong isang lalaki na noong nag-warning buzzer na, magsasara na iyong pinto, pinipigilan niya ito magsara . . . kinakalso niya iyong kamao niya," kuwento ni Alcantara.

"Hindi tama iyong ginagawa ni kuya kaya naisipan kong kuhanan ng video," dagdag ni Alcantara.

Huli na nang maikutan ng train marshal ang bagon na sinasakyan ni Alcantara dahil bumaba na ang pasahero sa Blumentritt Station.

May rubber kasi sa pagitan ng pinto kaya maaaring buksan ito nang puwersahan kahit habang umaandar, lalo para sa mga pagkakataong may emergency.

Ayon sa pamunuan ng PNR, kapag nahanap ang nasabing pasahero ay makatatanggap ito ng warning dahil sa paglagay sa panganib sa kapuwa pasahero.

"It might compromise the safety of our train, passengers," ani PNR operations chief Joseline Geronimo. "Nagulat ako (na) di nagulat iyong pasaherong iyon."

Maging ang mga tauhan ng PNR sa sangkot na tren ay sasailalim sa pagkuwestiyon.

Iginiit naman ng pamunuan ng PNR na paiigtingin nila ang seguridad sa mga tren upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.