Pagdinig ng Senado sa maluhong PCSO party, kanselado

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 12:01 PM

Kanselado na ang pagdinig ng Senado hinggil sa magarbong Christmas Party ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na nakatakda sana sa Miyerkoles, Enero 17.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, head ng Senate Committee on Games and Amusement, sasabay ito sa nakatakdang muling pagpapatuloy ng pagdinig sa Senado hinggil sa pag-amyenda ng Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly.

Lunes nang pormal na isinumite ni Lacson ang Senate Resolution No. 580 para ma-convene ang Senado bilang Constituent Assembly upang masimulan ang pag-amyenda sa konstitusyon.

Bukas ay nakatakdang humarap sa pagdinig tungkol sa Charter Change ang tatlong dating Supreme Court justices na sina Reynato Puno, Hilario Davide at Artemio Panganiban, pati na si dating Senate President Nene Pimentel kasama rin ang mga dating miyembro ng 1986 Constitutional Commission, mga miyembro ng academe at mga kinatawan ng iba’t-ibang sektor pati na ng executive branch.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.