P8 milyon halaga ng ari-arian, nasira dahil sa baha sa Sarangani

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 08:05 PM

GLAN, Sarangani—Aabot na sa P8 milyon ang halaga ng ari-ariang nasira matapos lumubog sa baha at putik ang halos 1,000 bahay at ilang palaisdaan sa barangay Baliton.

Rumagasa ang baha, Lunes ng umaga at humupa rin kinabukasan. Ngunit bumaba man ang tubig sa ilang bahagi ng barangay, nag-iwan naman ito ng makapal na putik at mga inanod na troso at basura.

Hindi rin nakaligtas sa baha ang Mantalakan Point Agri Aqua Resources, isang shrimp farm.

"Kagabi, halos wala kang makitang dike. Pati nga guard house namin, ando'n na sa pond," ani Archie Castro, manager ng naturang kumpanya.

Sa barangay hall naman, problemado rin ang mga opisyal matapos mabasa ang mga dokumento kabilang na ang mga health record ng nasasakupan ng barangay.

Ayon sa mga awtoridad, ang biglaang pagbaha sa lugar ay dulot ng pag-apaw ng irrigation dam dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

"May buhawi kasi kagabi, umapaw yong irrigation dam," ani Wilfredo Marata, hepe ng Management Disaster Risk Reduction and Management Office.

Walang naiulat na namatay ngunit may isang naitalang sugatan.

Inaasahang magdedeklara ng state of calamity dito sa lugar matapos maberipika na 10 purok ang apektado sa insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.