Mga bus ide-deploy sa mga rutang apektado ng 'Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok'

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 05:45 PM | Updated as of Jan 16 2018 08:47 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Magbibigay ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus na papayagang mamasada sa mga rutang lubhang naaapektuhan dahil sa operasyon ng Inter-Agency Council for Traffic laban sa mga bulok at mausok na pampublikong sasakyan. 

Ayon kay LTFRB spokesperson Aileen Lizada, maraming mga pasahero ang naii-stranded sa mga ruta kung saan maraming nahuhuling mga jeep.

Ito ay ang mga rutang Commonwealth to Trinoma, Commonwealth to Cubao, Marcos Highway to SM Masinag papuntang Cubao, at ang rutang EDSA Shaw to Stop and Shop.

Ayon kay Lizada, 25 kompanya ng bus na ang nakipagpulong sa kanila at maaaring payagang mamasada sa mga rutang ito simula sa susunod sa linggo.

Nananatili pa rin ang pamasahe sa bus sa minimum na 10 pesos sa ordinary bus at 12 pesos kapag airconditioned.

Matatandaang nitong nakaraang Miyerkoles, January 10, nang simulang hulihin ng I-ACT ng mga tsuper at operator ng halos gutay-gutay nang mga sasakyang pumapasada pa rin.

Ito'y matapos simulan ang "Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok."

Dahil dito, naging talamak na ang "trip cutting" sa mga pampasaherong sasakyan para maiwasang mahuli, ayon sa I-ACT.

"'Pag alam nilang nandiyan na si I-ACT, ginagawa nila pinuputol nila 'yong biyahe kaya ang masakit dito 'yung mga kababayan natin naglalakad," ani I-ACT communications head Elmer Argaño.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.