Kaso ng diarrhea sa bayan sa Palawan, tumataas dahil sa maruming tubig

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 07:02 PM

Tumataas ang bilang ng mga residenteng apektado ng diarrhea, cholera at iba pang mga sakit sa balat sa Barangay Mangsee sa bayan ng Balabac, Palawan dahil umano sa kontaminadong tubig.

Araw-araw pinipilahan ang mga balon o deep well sa tabi ng barangay hall, kung saan kumukuha ng tubig ang mga residente.

Ayon sa kanila, ito na ang pinakaligtas at malinis na inuming tubig.

Para masuri ang kalinisan ng mga balon, nagsagawa ng water testing ang Provincial Health Office, kaagapay ang Department of Health.

Lumalabas sa pagsusuri ng tubig na galing sa mga balon sa barangay na positibo ito sa e-coli, o isang uri ng bacteria na nagdudulot ng sakit na dinaranas ng mga residente.

Dagdag pa ng awtoridad, may iba pang uri ng bacteria na nakita sa tubig sa barangay base sa mga naunang pagsusuri sa laboratoryo sa Maynila.

Bukod sa mga bacteria na galing sa dumi ng tao, mayroon ding mga bacteria na galing sa katas ng tao.

Bagama't parte umano ng tradisyong Muslim ang paglilibing malapit lamang sa tinitirhan ng kaanak, malaki umano ang epekto nito sa kanilang pinagkukunan ng tubig.

Dapat umano ay nasa 120 metro ang layo ng libingan.

Agad namang pinuntahan ng mga awtoridad ang kapitan ng barangay para ipaliwanag ang resulta ng water testing at mabalaan ang mga residente.

Makakatulong din umano ang ipinamigay na water disinfectant at ang pagpapakulo ng tubig bago gamitin at inumin.

Pagpaplanuhan din ng lokal na pamahalaan kung paano masosolusyunan ang problema sa maruming tubig sa Barangay Mangsee.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.