Higit 70 lava collapse, pagbulwak ng lava, naitala sa Mayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 11:31 PM | Updated as of Jul 05 2019 04:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idineklara ng pamahalaang lokal ng Albay ngayong Martes ang "state of calamity" sa buong lalawigan dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Mayon.

Bandang alas-4 ng hapon sinailalim ang lalawigan sa "state of calamity" para madagdagan ang pondo para sa mga pangangailangan ng mga apektadong residente.

Patuloy ang pagdaloy ng lava mula sa bulkan.

Kung dati'y sa Miisi gully lang ng Daraga dumaloy ang lava, nagsimula na rin itong dumaloy sa Bonga gully na sakop ng lungsod ng Legazpi.

May mga maiksing lava fountain o pagbulwak ng lava rin.

Pasado alas-6 ng umaga ngayong Martes nagkaroon ng sunod-sunod na lava collapse.

Ang mga natitibag na lava'y naipon sa malalim na bahagi ng bulkan na pinanggagalingan naman ng makapal na abo.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), delikado ang nangyayaring lava collapse dahil may kasama itong pyroclastic material o napakainit na mga bato, buhangin at abo.

Nilinaw din ng Phivolcs na ang pag-usok na nakikita sa ibabang bahagi ng bulkan ay mula sa mga naipong lava.

Nagtala ang Phivolcs ng higit 70 lava collapse at 9 na pagyanig bandang alas-8 ng umaga.

Umabot naman sa mga bayan ng Camalig at Guinobatan sa Albay ang abong dulot nito.

Isa rin sa pinapangambahan ng Phivolcs ang posibleng pagdaloy ng lahar dahil sa mga naipong abo sa daanan ng tubig.

Watch more in iWant or TFC.tv

Gumagawa na ng sariling matutulugan sa loob ng evacuation center ang ilang mga evacuee sa Albay dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng Mayon.

Bukod sa mga damit at tulugan, may dalang coco lumber, bamboo, nipa at trapal ang ilang evacuee mula Barangay Lidong, bayan ng Santo Domingo, Albay.

Tulong-tulong din ang mga lalaki sa paggawa ng pansamantalang matutuluyan sa loob ng Bical Elementary School.

Inaabot ng ilang linggo ang mga evacuee sa center tuwing nag-aalburoto ang Mayon kaya naman gumagawa na sila ng pansamantalang matutuluyan para maging komportable kahit nasa evacuation center. 

Ayon naman sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), tubig ang isa sa problema ng mga evacuee tuwing lilikas kaya hihingi na sila ng tulong sa Bureau of Fire Protection at provincial government.

“Ang nakikita namin, hindi pa naman sa ngayon, na tubig talaga na inumin ang magiging [problema], at saka sanitation siyempre,” ayon kay Enginer Edgar Balidoy ng MDRRMO Santo Domingo, Albay. 

Naka-code blue alert na ang Bicol Regional Training and Teaching Hospital para paghandaan ang paglala ng sitwasyon ng bulkan at mas matugunan ang mga nangangailangang residente.

Nakakaranas ng ashfall ang mga bayan sa third district ng Albay kaya pinaaalalahanan ang mga residente na palaging magsuot ng face mask o takpan ang ilong ng basang face towel.

Umabot na sa halos 5,000 pamilya ang inilikas sa Albay.

-- Ulat nina Jose Carretero, Erick Baldo, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.