‘Bato’, desididong sibakin ang ‘kotong cops’ sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 08:48 PM | Updated as of Jul 05 2019 03:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipasisibak ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang 6 na pulis na nahuling nangongotong sa bayan ng Carangalan, Nueva Ecija Martes ng madaling araw.

"I-di-dismiss natin iyan sa serbisyo, sisiguraduhin ko iyan," giit ni Dela Rosa.

Nahuli ang 6, na pawang mga pulis-Carangalan, sa isang operasyon na isinagawa ng PNP Counter Intelligence Task Force (CITF) sa isang checkpoint sa national road bandang ala-1 ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Senior Police Officer 1 Antonito Otic, Police Officer 3 (PO3) Danilo Sotelo, PO3 Ronald Buncad, PO3 Oliver Antonio, Police Officer 2 (PO2) Rodrigo Edralin, at PO2 Romeo Nuñez III.

Ayon sa CITF, nangongotong ang mga pulis sa mga dumadaang trak.

"Lahat ng mga sasakyang dumadaan sa checkpoint nila, they have to give a certain amount of money before they could pass," ani Chief Inspector Jewel Nicanor, tagapagsalita ng CITF.

May nakuha rin sa mga pulis na 2 hindi lisensiyadong baril.

Ayon sa mga tsuper na dumadaan sa lugar, nagbabato sila ng P5 sa checkpoint.

Pero sa palima-lima, umabot sa P2,440 ang nakubra sa checkpoint noong mga oras na nahuli ang anim.

"Pag 'di sila nagbibigay, hinahabol sila, hino-hold sila for the meantime . . . Ang dala nilang goods is perishable goods kaya napipilitan silang magbigay," sabi ni Nicanor.

Kaloboso rin ang 2 pang sibilyan.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang mga nahuli, kabilang ang paglabag sa Republic Act 10591 para sa ilegal na pagmamay-ari ng baril. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.