Bangkay na nakagapos at balot ng tape, natagpuan sa Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 07:16 PM

Natagpuan ang isang bangkay ng lalaking balot ng packaging tape ang mukha sa tabing kalsada ng Barangay Malabanan sa bayan ng Balete sa Batangas Martes ng umaga.

May tama ng bala sa ulo at braso ang lalaki. Natagpuan din sa lugar ang 3 basyo ng bala ng kalibre 9-millimeter na baril.

Bukod sa itim na t-shirt at brown na short na suot nito at tato sa kanang braso, walang ibang pagkakakilanlan ang biktima.

May nakita ring karatula na may nakasulat na "Adik ako at magnanakaw ng motor. Wag tularan," sa tabi ng bangkay.

Base sa imbestigasyon, maaaring itinapon lamang ang katawan ng lalaki sa lugar pagkatapos paslangin sa ibang lugar.

Nananawagan ang Balete Police sa mga nakakakilala sa biktima na agad makipag-ugnayan sa kanilang himpilan.

Tuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo at suspek sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.