7 rebel returnees sa Ilocos Sur, binigyan ng financial, livelihood assistance

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 09:20 PM


Pitong rebeldeng sumuko sa gobyerno ang nabigyan ng financial at livelihood assistance sa isang seremonya nitong Lunes sa kapitolyo ng Ilocos Sur.

Kapalit ng kanilang mga isinukong armas, binigyan rin ang mga dating rebelde ng pera at skills training para makapagsimula ng negosyo.

Ikinuwento ng isa sa kanila ang hirap na dinanas sa bundok sa loob ng limang taon na miyembro siya ng New People's Army.

Kaya naman bago matapos ang 2017 ay sumuko na ito para makapiling ang pamilya at mag-bagong buhay.

"Nahikayat ako na sumama noon sa kanila pero naramdaman ko rin ang hirap kaya naman nagsisisi ako… Noong nasa barrio kami nakakasalubong ko pa 'yung mga kamag-anak ko. Sila na ang naghikayat sa akin na magbalik loob," ani Alias Gary.

Bukod sa kaniya, may anim na iba pang sumuko.

Ayon sa regional director ng Department of Interior and Local Government (DILG), magpapatuloy ang Comprehensive Local Integration Program (CLIP) upang mahikayat ang mga natitira pang rebelde na sumuko na rin.

"Pinalaki at na-enhance po beginning 2018, magbibigay po ang pamahalaan ng marami pang insentibo para ang ating mga rebels ay ma-encourage na to join the government and peace process," ani Director James Fadrilan.

Inaasahan ng liderato ng 702nd Brigade ng Philippine Army na mas marami ang susuko sa taong ito.

"Wala na pong saysay ngayon 'yung rebolusyon na pinaglalaban ninyo, na lahat halos ng issues and concerns ay nabigyan na po ng solusyon ng ating gobyerno so panahon na na hindi tayo maglaban laban na mga Pilipino," ani Col. Henry Robinson, commander ng 702nd Brigade.

Mula noong 2015 hanggang ngayong buwan ay aabot na sa 27 ang sumukong rebelde sa lalawigan.

Patuloy ang operasyon ng gobyerno laban sa mga rebeldeng komunista at mas umigting ang mga engkuwentro matapos ihinto ang usapang pangkapayapaan noong Nobyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.