17 anyos, patay sa pananaga sa Calamba

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 07:20 PM

Natagpuang patay ang isang 17 taong gulang na lalaki sa masukal na bahagi ng Purok 2, Barangay Masaimsim, lungsod ng Calamba Lunes ng umaga.

May taga sa ulo ang biktima na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Ayon sa ina ng biktima, hindi na ito nakabalik matapos magpaalam sa kaniyang mangangahoy bandang alas-12 ng tanghali noong Linggo.

"Nakita siya ng pamangkin ko atsaka ng kapatid ko nakita iyong nakalutang na bota, nang nakita ng kapatid ko na iyon bota nagtatakbo iyong kapatid ko, tapos ang nagbulatlat ng dahon ng saging iyong pamangkin ko," aniya.

Personal na alitan ang tinitingnang anggulo ng pulisya bilang motibo sa pagpatay sa menor de edad. May itinuturo na rin ang pamilya bilang salarin sa pagpaslang sa kaanak.

"Prior daw po noon, nagkaroon na din po ng pagbabanta itong suspect natin dito po sa magkapatid na umabot daw po talaga sa punto na hinahabol na ng taga ng suspect," ani Police Sr. Insp. Evangeline Lantican ng Calamba City Police.

"Ito pong suspek natin ay di umano galit po doon sa ating biktima dahil napagbibintangan niya po ito na nagnanakaw daw ng mga pananim niya."

Dumulog sa Calamba City Police Station ngayong Martes ang mga kaanak ng biktima para pormal nang sampahan ng kasong murder ang itinuturo nilang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.