12 mangingisda nawawala sa Infanta, Quezon

Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 09:03 PM

Nawawala pa rin ang 12 mangingisda na sakay ng isang fishing boat na nasiraan sa gitna ng karagatan habang patungo sa may bahagi ng Pacific Ocean.

Ayon sa emergency response team (ERT) sa bayan ng Infanta, Quezon, noong nakaraang Huwebes, Enero 11, pumalaot mula sa Dinahican port sa Infanta ang fishing boat na F/B Queen Marian, lulan ang 12 katao.

Kasabay umano nito ang 3 pang bangka subalit bumalik umano ang mga ito dahil sa sobrang sama ng panahon at malalaking alon.

Ayon sa may-ari nito na si Marian Laurino, walang radyo ang bangka kaya hindi ito nasabihan ng paparating na sama ng panahon.

Batay pa rin sa report ng Infanta ERT, isang mangingisda umano ang nakakita ng isang katawan na lumulutang at nakatali sa drum sa may bahagi ng Barangay Pambuhan, bayan ng Perez, Quezon, subalit nang balikan ng search and rescue team ay hindi na ito makita.

Narekober din umano ang nawasak na bangka sa may baybayin ng bayan Calauag, Quezon subalit wala na itong sakay.

Nagpalabas na ng alarma ang Infanta ERT sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga bayan ng Real, Mauban, Atimonan Perez, Alabat at Quezon, Quezon hinggil sa mga nawawalang mangingisda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.