Tindera ng gulay tinangkang gahasain ng kabarangay

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2017 05:02 PM

DARAGA, Albay - Magâ ang mata ng isang 54 na taong gulang na babae sa Daraga, Albay matapos siyang pagsusuntukin umano ng 20 taong gulang niyang kabarangay.

Kuwento ng biktima, alas-4:00 ng madaling araw Linggo, habang naglalakad siya bitbit ang kanyang mga panindang gulay, nang makasalubong niya ang suspek. 

Bigla na lamang umano siya nitong sinakal, tinakpan ang bibig at tinangkang gahasain.

Una nang nahawakan umano ng lalaki ang mga maselang bahagi ng kanyang katawan. 

Nakatakas lamang umano siya nang sipain niya nang malakas ang lalaki, na nahulog naman sa burol.

Kinilala ang suspek na si Christopher Luces, na nakakulong ngayon sa estasyon ng pulis sa Daraga.

Pito ang anak ni "Maritess" at halos 18 taon na siyang biyuda. Pagtitinda ng gulay ang ikinabubuhay niya at ng kanyang pamilya.