Duterte, nakiramay sa pamilya ng sundalong namatay sa Basilan

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2017 09:13 PM

Personal na nagparating ng pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapamilya ni Capt. Clinton Capio sa Libingan ng mga Bayani Mortuary sa Taguig City.

Pasado alas-7 ng gabi nang dumating sa Libingan si Duterte paglapag niya sa Villamor Airbase mula Davao City.

Kinausap niya ang maybahay ni Capio at ilan pang mga kaanak.

Nakiramay rin sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Eduardo Año at ang mga mistah at nakatrabaho ni Capio.

Si Capio ang sundalong namatay sa bakbakan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng bandidong Abu Sayaff Group sa Barangay Cabcaban, Sumisip, Basilan noong Huwebes. 

Nagkasa ng opensiba ang gobyerno sa lugar matapos makatanggap ng intelligence report na pinamumugaran ito ng mga rebelde. 

Nasa 80 Abu Sayyaf ang naka-engkwentro ng mga sundalo. 

Si Capio ang commanding officer ng 1st Special Forces Company na itinalaga bilang suporta sa 4th Special Forces Battalion sa Basilan. 

Iuuwi ang mga labi ng 34-taong-gulang na si Capio sa kanyang tahanan sa Baguio City. Naulila niya ang kanyang misis at isang anak na babae. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.