MANILA - Suportado ng Denmark ang pagsusumikap ng Pilipinas na makasunod sa itinakdang maritime standards ng European Union para sa seafarers.
Ito ang sinabi ni Danish Ambassador to the Philippines na si Franz-Michael Mellbin kamakailan.
Mahalaga aniya sa Denmark ang malaking ambag ng Filipino seafarers sa global maritime industry at malaking bilang daw ng kanilang shipping firms ay nag-e-empleyo ng mga Pilipino.
"Denmark is very, very happy with Filipino maritime professionals, and it will be a very great loss to the industry and the Philippines if that is not an option anymore,'' sabi ni Mellbin.
Nag-ugat ang panawagan ng Danish ambassador sa panawagang reporma ng EU sa pagkukulang nilang nakita sa seafarers' education, training at certification system ng Pilipinas.
Nangako naman si President Ferdinand Marcos, Jr. na istriktong susunod sa mga pamantayan ng European Maritime Safety Agency (EMSA) sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations-EU Commemorative Summit sa Belgium nitong nakaraang Disyembre.
Inatasan ni Marcos Jr. ang pagtatatag ng isang advisory board para matugunan ang mga kakulangang nakita ng European Union.
Ang direktiba ay inisyu ni Marcos Jr. sa kanyang pakikipagpulong sa International Maritime Employers’ Council (IMEC) chief executive officer Francisco Gargiulo at business executives kasama ang mga pinuno ng European shipping companies at ship owner’s associations sa Brussels noong December 13, 2022.
Pag-aaralan ng Danish Maritime Authority at ng Philippine Maritime Authorities ang mga paraan ng pagtutulungan upang mapalakas ang kanilang maritime cooperation, kasama ang pagpapatibay sa proteksyon ng karapatan ng seafarers.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.
(Thumbnail image courtesy of MARINA)