MANILA—Nasunog ang halos 20 bahay sa Davao City, Sabado ng umaga.
Ayon sa Bucana Fire Station, karamihan sa mga bahay na tinamaan ng sunog ay gawa sa light materials, kaya mabilis kumalat ang apoy.
Pansamantalang isinara ang isang bahagi ng Bolton bridge sa Davao City 9:30 a.m. dahil sa insidente.
Sa video na kuha ni RJ Pañares, makikita ang apoy at maitim na usok na nagmumula sa ilalim ng tulay.
Sa video naman na kuha ni Jayvee Molde Narciso, makikita ang paglaki ng apoy sa mga kabahayan doon.
Nagdeklara ng fire-out ang mga awtoridad bandang 11 a.m.
Bagamat walang nasugatan sa insidente, 23 pamilya ang tinatayang nawalan ng bahay.
Isa sa mga tinitignan ng mga awtoridad bilang posibleng sanhi ng sunog ang faulty wiring sa bahay ng isang residente sa Barangay 76-A. — Kasama ang ulat ni Francis Magbanua