PatrolPH

Tulak umano ng party drugs, arestado sa Quezon City

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2021 05:28 AM

MAYNILA - Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang umano'y supplier ng party drugs sa buy-bust operation sa Bgy. South Triangle, Quezon City Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Jhun Cabayan alyas Sky High, 33 taong gulang at taga-Pasig City.

Ayon kay PDEA spokesperson Dir. Derrick Carreon, nagsagawa ng transaksyon ang agent ng PDEA Special Enforcement Service kay Cabayan sa loob ng kotse sa Mother Ignacia Avenue.

Matapos iabot ang bayad para sa kahon na naglalaman ng party drugs, pumasok sa sasakyan ang mga ibang agent para arestuhin ang suspek.

Nasabat sa kanya ang 23 tableta ng estasy at 25 kapsula ng "fly-high" na sinasabing pinaghalong ecstasy, shabu, at Chinese version ng viagra.

Nabawi rin ang 300 mL ng liquid ecstasy na pinapatak naman sa mga alcoholic drink.

Ayon sa PDEA, nagkakahalaga ang mga nasabat na droga ng P171,600.

Nahaharap si Cabayan sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

--May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News


RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.