OFW na supplier umano ng droga sa Bulacan, timbog sa Malabon

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2021 05:23 AM | Updated as of Jan 15 2021 06:55 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Arestado sa buy-bust operation sa Malabon City ang isang 31-anyos na babae na itinuturong tulak ng shabu sa Bulacan.

Nahulihan ng halos kalahating milyong pisong halaga ng shabu Miyerkules ng gabi ang target na si "Noime", na ayon sa pulis ay isang overseas Filipino worker.

Ayon kay Police Brig. Gen. Valeriano De Leon, director ng Police Regional Office 3, nagsagawa ng operasyon kay Noime matapos siyang ituro ng nauna nang inarestong mga drug suspek sa San Miguel, Bulacan noong umaga.

Sabi sa mga pulis ng 2 hinuling lalaki, isang "Noel" o Noime ang pinagmumulan ng droga na binebenta sa San Miguel at mga katabing bayan sa Bulacan.

Sa operasyon ng Provincial Intelligence Unit ng Bulacan Police kasama ang San Miguel at Malabon police, hinuli si Noime sa labas ng tinitirhan nito sa Bgy. Longos sa Malabon.

Nasabat ang 12 sachet ng shabu sa loob ng isang itim na coin purse na may timbang na 50 gramo o P425,000 halaga ng shabu.

Nahaharap si Noime sa kasong drug selling and possession sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.