MPD maghihigpit sa pista ng Sto. Niño sa Tondo, Pandacan

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2021 02:00 PM

MPD maghihigpit sa pista ng Sto. Niño sa Tondo, Pandacan 1
Prusisyon ng mga deboto ng Sto. Niño, Jan. 20, 2018. Vincent Go, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Maghihigpit ang kapulisan sa kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan sa Maynila na gaganapin ngayong Sabado at Linggo.

Ayon kay Police Brig. Gen. Leo Francisco, direktor ng Manila Police District, hindi nila papapasukin sa simbahan ang mga kabataang edad 15 pababa at matatandang may edad 65 pataas dahil sa banta ng COVID-19.

"Doon pa lang sa checkpoint, 'yan ay mahigpit na ipapatupad. Hindi na sila makakapasok," aniya.

Sa checkpoint, magkakaroon ng bag inspection at kailangang magsuot ng face mask at face shield ang dadalo sa pagdiriwang, dagdag ni Francisco.

"Nananawagan pa rin ako sa mga mamamayan at lalo na 'yong mga taga-Tondo na kung puwede doon nalang tayo sa ating bahay para maibsan ang panganib ng COVID," aniya.

Hinihikayat din ang mga deboto na panatilihin lagi ang physical distancing.

"Sa ating mga mamamayan na gustong magdiwang sa pista ng Sto. Niño, alam ko po na kayo ay nagnanais na maipakita ang buong pananampalataya sa Sto. Niño, isaisip po natin ang pagsunod sa mga patakaran na inilatag ng ating IATF (Inter-Agency Task Force)," ani Francisco.

Nitong Martes, pinirmahan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang Executive Order No. 2 na nagbabawal sa mga street party, stage shows, mga parada at iba pang aktibidad para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

 RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC