Vendors pinagbawalan ni Isko sa ruta ng prusisyon sa pista ng Sto. Niño

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 06:31 PM | Updated as of Jan 15 2020 08:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Tatlong araw pagbabawalan ni Manila Mayor Isko Moreno ang vendors sa Tondo para sa darating na pista ng Sto. Niño mula Enero 17 hanggang 19.

Pero ngayon pa lang, maraming vendor na ang tumututol dito lalo pa't kabuhayan nila ang nakataya.

Taon-taon kasi, dinarayo ng maraming deboto ang pistang ito sa Tondo at inaasahang aabot sa 200,000 ang dadalo sa prusisyon kaya laging tiba-tiba ang vendors.

Pero sa bagong utos ni Moreno, nais niya linisin ang ruta ng prusisyon at sapul dito ang vendors sa Divisoria at Recto. 

"Ang hirap naman non pano 'yung mga suki namin malaking pera ang mawawala para sa mga anak namin," hinaing ni Minda Kalano.

"Kahit isang araw lang malaking mawawala sa amin," ani Rey Dungsal.

Maging ang mga opisyal ng pamahalaan ng Benguet ay dumayo pa sa opisina ni Moreno para sabihin na aabot sa P90 milyon ang malulugi sa mga vegetable dealer.

Nasa 80 porsiyento daw kasi ng gulay sa Metro Manila ay galing sa Benguet 

Pero nilinaw ni Moreno na puwede naman magtinda sa mga katabing kalye basta huwag lang sa rutang daraanan ng prusisyon.

Ayon sa mga organizer ng pista ng Sto. Niño, dadaan ang imahen ng Sto. Niño mula Sto. Niño Church at mahigit 10 kalye ang daraanan nito. 

Nasa 600 pulis naman ang itatalaga para sa seguridad ng okasyon.


—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.