Pagpapadala ng Pinoy workers sa Kuwait bawal na ulit

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 03:49 PM | Updated as of Jan 15 2020 08:35 PM

Muling nagpatupad ang gobyerno ng total ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait bunsod ng pagpatay sa isang kababayang household service worker doon, sabi ngayong Miyerkoles ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Nilagdaan na ng Philippine Overseas Employment Administration ang resolution para sa total deployment ban ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, ayon kay Bello.

Sakop ng total deployment ban ang lahat ng mga newly-hired worker, mula household worker hanggang sa mga skilled worker at professional. Hindi naman daw kasali sa ban ang mga balik-manggagawa.

Watch more in iWantTFC

Bunsod umano ito ng resulta ng autopsy na isinagwa ng National Bureau of Investigation kay Jeanelyn Villavende, kung saan, bukod sa pambubugbog, nakitaan siya ng mga indikasyon ng sexual abuse.

Namatay si Villavende sa kamay umano ng kaniyang employer, na ngayon ay nasa kustodiya ng mga awtoridad sa Kuwait.

Nauna nang pinagdudahan ni Bello ang kredibilidad ng autopsy report ni Villavende sa Kuwait, na nagsasaad na namatay ang Pinay dahil sa physical injuries.

Noong 2018, nagbaba ang Pilipinas ng deployment ban sa Kuwait kasunod ng serye ng mga ulat ng mga pang-aabuso sa mga OFW doon, kabilang ang kaso ni Joanna Demafelis, na natagpuang patay sa loob ng freezer.

Inalis lamang ang ban nang lumagda sa isang memorandum of agreement ang Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga OFW.

-- Ulat nina Niko Baua at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.