P442,000 halaga ng ‘shabu’, nasabat sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 05:06 AM | Updated as of Jan 15 2020 05:03 PM

Ebidensiyang nakuha sa isang buy-bust operation sa Maynila noong gabi ng Martes, kung saan nahuli ang isa umanong drug personality at nasamsam ang nasa P400,000 halaga ng shabu. Retrato mula sa Quezon City Police District Public Information Office

MAYNILA — Higit P400,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Maynila noong gabi ng Martes, kung saan natimbog ang isang drug personality at kaniyang kasabwat.

Sa ulat, kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek bilang sina Robert Medina at Dexter Osit, kapuwa 34 anyos at taga-Ermita, Maynila.

Si Medina ay isang "newly-identified drug personality" na kabilang sa drug watch-list ng QCPD Station 2, ayon sa ulat ng pulisya.

Hinuli ng mga awtoridad ang mga suspek matapos umano nilang bentahan ng hinihinalang shabu ang operatibang nagpanggap na buyer sa Ermita, Maynila bandang 10:50 ng gabi.

Sa Quezon City noon nagtutulak ng droga ang suspek pero nang maramdamang mainit na siya sa mga mata ng pulisya ay lumipat siya sa Maynila, ayon sa imbestigador na si Staff Sergeant Winston Semaña.

Nakuha sa mga suspek ang 65 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P442,000, isang digital weighing scale, isang cellphone, at ang buy-bust money, sabi ng pulisya.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.